Saturday, February 11, 2006

Araw ng mga Puso



Thursday, February 09, 2006

Darna!
















The deepest definition of youth is life as yet untouched by tragedy. — Alfred North Whitehead

Ang pinsan kong nakatira sa New York ay tuwang-tuwa Kay Darna kaya ginawa ko siyang isang Darna para sa kanyang kaarawan. Hindi ko napapanood ang palabas na ito kanya wala akong alam sa katangian at pinang-galingan ni Darna.

Pati na nga din itong pinsan ko wala na akong masyadong alam sa kanyang buhay. Madaming taon na ang lumipas na hindi ko siya nakikita at nakakausap ng matagalan. Ganoon na nga siguro ang buhay. Ang mga malalapit mong kaibigan at kamag-anak ay maari ding mahiwalay at mawala sa iyong tabi. Ito na siguro ang isa sa mga pinakamalungkot na bahagi ng buhay. Nakakalungkot talaga kung iisipin. Buti pa ata mag-gitara na muna ako.

Monday, February 06, 2006

Michael J.
















The music business is a cruel and shallow money trench, a long plastic hallway where thieves and pimps run free, and good men die like dogs. There's also a negative side. — Hunter S. Thompson

Madaming masasabi tungkol kay Michael na hindi kanais-nais. Madami din magagandang katangian tungkol sa kanya na hindi maitatanggi. Subalit sa akin, isa siya sa kahanga-hangang bituin na sumikat mula ng isang bata pa lamang.

Sa kanyang pagsasayaw lamang, hanggang sa ngayon madami pa ding natuto at gumagaya sa kanya tulad nila Usher, Justin Timberlake at ang batang si Chris Brown. Ang kanya namang mga sumikat na awitin ay nakaka-aliw pakinggan hanggang sa ngayon.

Ang huling balita ay kakaunti na lamang daw ang natitira niyang kayamanan. Ang isa sa mga dahilan nito ay ang mga malalaki niyang ginagastos sa mga abogado na pinagtatanggol ang mga kasong isinasampa laban sa kanya. Isa ding dahilan ay ang pagkalaking gastos sa pangangalaga ng kanyang Neverland Ranch sa California.

Kung ano man ang tunay na katutuhanan sa mga balitang ito, pakiramdam ko ay sa hanggang ngayon madami pa din siyang tagahanga na tatangkilik sa kanyang concert tour sa buong mundo. Kanya sa tingin ko, wala pa din siyang problema pagdating sa pera.

Saturday, February 04, 2006

Ipuipo - Official Launching

















It's an anime-inspired storyblog!

Ipuipo is a mythical story of a young boy’s journey as a mystical healer and warrior in the lush forests of Dakilang Bundok somewhere in the Philippine islands.

You are all invited to come on over and enjoy this storyblog!


Thanks!

Friday, February 03, 2006

National Pride: The Pac Man
















We are the champion! - Freddy Mercury

Malaking bagay ang pagkapanalo ni Manny Pacquiao sa laban niya kay Morales sa Las Vegas. Kanyang naitaas ang pagmamalaki ng mga kapwa niyang Filipino sa buong daigdig.

Hindi lamang siya isang tunay na kampeon kundi isa na ding bayani na hinahangaan ng mga kabataan at buong mamamayan.

Mabuhay Manny!

Thursday, February 02, 2006

Bush Almighty
















The great secret of power is never to will to do more than you can accomplish. — Henrik Ibsen

Kahit anong sabihin ng lahat, kung nakursunadahan kang pag-tripan ng Amerika ay wala kang laban. Kahit pangulo ka at nasa loob ng sarili mong bansa, kung ang mga hangad mo ay hindi ugnay sa kanilang hangad, sorry ka na lamang. Puwede ka nilang lusubin at ibahin ang pagpalakad ng iyong bansa.

Malaking bagay sa isang bansa na maayos ang kanilang gobiyerno at ekonomiya. Kahit hindi perpekto ang gobiyerno ng Amerika, isa ito sa pinakamatatag sa mundo. Ang kanila namang ekonomiya ay malakas din. Kanya naman ang mga kayamanan ng iba-ibang taga bansa ay dito sa Amerika nila iniinbest. Itong tiwala sa kanila ay kanilang naipagmamalaki sa buong mundo.

Isang mabigat na problema ng Amerika ay ang kanilang malaking pagtangkilik ng langis galing sa ibang bansa tulad ng Middle East. Inamin din ni President Bush na addict ang Amerika sa langis dahilan sa pagpatakbo ng kanilang mga sasakyan hanggang sa pang-init ng kanilang mga tahanan. Ang pangarap ng Amerika ay mapainamin nila ang tamang teknolohiya na lulutas ng kanilang masyadong pag-depende sa langis mula sa ibang bansa. Isa dito ay ang tinatawag nilang “alternative fuels for automobiles, like corn-based ethanol.”

Ang hindi paglutas ng Amerika sa kanilang pag-asa sa langis ng ibang bansa ay malaking babala na maaring makompromisyo ang kanilang ekonomiya at siguridad.

Wednesday, February 01, 2006

Politics Filipino-Style
















Politics is the art of preventing people from taking part in affairs which properly concern them. - Paul Valery

Maaring masabi na kaming mga bata ay gunggong sa mga mga usapang politika. Maaari nga namang tama sila. Kanya lang, hindi nila magagawang ibahin ang imahe na nakaukit sa aming isipan tungkol sa mga taong nasa politika.

Tulad ng ating presidente ngayon. Sabi nila ay nangdaya daw ito noong nakaraang eleksiyon.. Sa tingin naming mga kabataan, kung totoo man ito, hindi pa siya naaalis sa puwesto hanggang ngayon dahilan sa mga astig na taong nakapaligid sa kaniya. Ang karamihan dito ay mga mayayaman na may kanya-kanyang diskarte sa mga sarili nilang teritoryo. Milyon-milyon ang mga kinikita nila at parotektado sila ng administrasyon. Kanya naman pino-protektahan din nila ang ating pangulo. Ika nga sa Ingles ay, “You scratch my back, I’ll scratch your back.”

Sigurado sa ibang bansa ay may mga ganito ding samahan, pero dito nga lang sa ating bansa ay sobrang bulgar. Kaya kung kaming mga kabataan ang tatanugin, siyempre naman mas gusto naming manirahan sa ibang bansa na tulad ng Amerika na medyo simple lamang at hindi garapal kung dumiskarte ang mga bigtime na tao doon..


Tuesday, January 31, 2006

Neighborhood People: Aling Solita
















Neither a lender nor a borrower be. — Shakespeare

Lahat na lamang ata sa aming barangay ay nautangan na ng pera ni Aling Solita. Subalit hindi naman lahat ay nabayaran niya. Kaya madaming may sama ng loob sa kanya. Hindi naman siya isang masamang tao.

Matagal ng biyuda si Aling Solita. Ang nag-iisa niyang anak ay nasa Canada ngunit medyo hirap din ang pamumuhay doon kaya hindi rin nakakapagpadala sa kanya ng pera. Sa tuwing kanyang birthday at pasko lamang siya nakasisigurong makakatanggap ng tig-iisang daan na dolyar.

Ang pinagkakakitaan ni Aling Solita ay sa mga lutuin niyang kakanin, puto at kutsinta. Masasarap naman ang mga gawa niya at may mga tindahan sa palengke na nirarasyunan niya sa tuwing umaga. Malaki ang kita niya ditto. Ang problema nga lamang ay hindi siya mahusay humawak ng kanyang kinikita. Ang kadalasan pa ay umuutang siya sa mga Bombay ng pera pero sa laking tubo nito ay halos hindi na din niya matapos ang pagbabayad.

Noong bago mag-pasko ay may nagrekalamo kay Aling Solita sa barangay hall dahilan sa hindi niya pagbabayad ng utang. Nakilala niya doon ang isang barangay kagawad na may alam sa accounting kaya tinuruan siya ng basic bookkeeping. Matalino naman si Aling Solita kaya madaling natuto. Sa ngayon ay unti-unti na siyang nakakaahon sa mga utang niya at isa-isa na niyang nababayaran ang mga pinag-kautangan niya.

Neighborhood People: Father & Son















The fruit doesn’t fall too far from its tree. — Anonymous

Sa lahat ng aking mga kababata, si Jayson ang nakapang-hihinayang sa lahat. Siya ay magilas at matangkad na bata kaya naman naging star varsity player agad siya. Amin siyang kinaiinggitan dahilan para bang nasa kanya nang lahat ang kahanga-hangang katangian. Subalit ang hindi namin alam kay Jayson ay mula pa ng 12 anyos lamang siya, gumagamit na pala siya ng droga.

Unti-unti na din siyang nangayayat dahilan sa hindi na masyadong nagkaka-kain. Huminto na din siyang maglaro ng basketball at noong nakalipas na taon, huminto na din siya sa pagaaral. Ang nakakalungkot sa lahat ay ng malaman namin na ang ama pala niya ay matagal ng isang drug addict at siya pala ang nagturo kay Jayson kung paano bumatak ng shabu.

Ginamit ni Jayson ang kanyang pagka-gandang lalaki sa pagsama sa mga bakla para kumita ng perang pangbili ng droga. Maynakilala din siyang isang babaeng GRO at sa ngayon ay nagsasama na sila na parang tunay na mag-asawa. May isa na din silang anak. Kanya lang hanggang sa ngayon ay patuloy pa din ang pag-gamit niya ng droga. Ang girlfriend niya ang nagbibigay sa kanya ng perang pangbili ng mga ito.

Walang lumipas na araw na hindi namin hinahangad na dumating din sana ang panahon na huminto na si Jayson sa kanyang pag-gamit ng droga.

Monday, January 30, 2006

Neighborhood People: Jennifer
















Few things are impossible to diligence and skill. Great works are performed not by strength, but perseverance. — Samuel Johnson

It hasn’t been easy for both Jennifer and her mother, especially during the past six years. Sumama sa isang babae ang kanyang ama at bigla na lamang silang iniwanang mag-ina. Halos maloka ang kanyang ina sa sama ng loob. Naghimutok ito sa hinagpis ng masaklap niyang kapalaran. Pero wala na din silang nagawa. Sa ngayon ay hindi na rin nila alam kung saan nanirahan ang ama niya.

Nag-iisang anak lamang si Jennifer. Ibinuhus na lamang niya ang kanyang kalungkutan sa pag-aaral. Noong nagtapos siya ng high school, namasukan siyang isang saleslady sa SM mall sa umaga at sa gabi naman ay pinag-patuloy ang pag-aral ng college. Matalino si Jennifer kaya kahit anong hirap ng kanyang schedule, puros matataas pa din ang kanyang mga grade sa school.

Noong nakaraang taon, madaling naipasa ni Jennifer ang board exam para siya ay maging isang Public Certified Accountant. Nagtratrabaho na siya ngayon sa isang multinational company at kumukita ng malaking suweldo. Pinagpapatuloy pa din niya ang pagaaral sa gabi at makukuha na din niya ang kanyang master of arts degree in accounting next year. Maganda na ang kabuhayan nilang mag-ina. Napaayos na din nilang paunti-unti ang munti nilang bahay.

Si Jennifer ang naging role model ng mga kabataan sa aming lugar.

Sunday, January 29, 2006

Neighborhood People: Pasaway na Mag-lolo
















The secret of dealing successfully with a child is not to be its parent. — Mel Lazarus (American cartoonist)

Si Reggie ay apo na sa tuhod ni Manong Domeng. Magka-hawig at parehong pasaway ang dalawang ito. Dapat nga daw ay naging kambal sila at hindi mag-lolo.

Sawang-sawa na si Manang Concha ng kasasaway sa asawa niya. Lagi niya itong sinasabihan na lubayan na ang paninigarilyo at ang pag-inom ng serbesa. Kasi nga naman, nakaka-tatlong kaha ng sigarilyo at anim na bote ng beer si Manong Domeng sa araw-araw. Sa edad niyang 59, delikado na sa kanya ang mga bisyong ito. Pero sige pa din siya at walang nakakapag-pigil. Mas gusto pa ni Manong Domeng na tumigil lamang sa bahay at uminom ng serbesa at manigarilyo instead of going out to the mall with his wife.

Si Reggie naman ay makulit din. Sa tuwing mamimili si Manong Domeng ng kanyang sigarilyo at serbesa, nakabuntot na din itong bata at nagpapabili ng soft drinks, bazooka gum, stik-o, at tini wini — problema lang sa mga bagay na ito ay saksakan ng asukal sa tamis. Kung sa SM mall naman, hindi sila lalabas na wala siyang bagong laruan. Kung hindi mo siya ibili, magngangangawa ito sa loob ng mall. Wala na ngayon tuloy may gustong isama si Reggie sa mall dahilan sa kakulitan niya.

Kaya kadalasan itong dalawang pasaway na mag-lolo ang laging magkasama. Sila lamang ang nakakaunawa sa isa't isa. Happy together sila palagi.

Saturday, January 28, 2006

Neighborhood People: Kuya Jojo
















Self-trust is the essence of heroism. — Ralph Waldo Emerson

Bata pa si Kuya Jojo. Wala pa siyang bente pero dahilan sa dami na niyang nadanasan na hirap sa buhay ay nag-mukha na siyang malapit ng mag-trenta anyos. Isa siya sa mga tricycle drivers sa aming barangay. Tahimik siyang tao at sa tuwing matapos siyang pumasada ay umuuwi agad siya sa kanilang bahay. Hindi siya tulad ng mga ibang binatilyo sa aming lugar na mahilig sa inuman at tambayan gabi-gabi.

Kilala din si Kuya Jojo na isang tagapag-tanggol sa mga bata na inaapi o ginugulpi ng mga mas malalaking kabataan. Natatandaan ko noong ako’y binanatan ng dalawang binatilyong tambay na gustong kunin ang aking pera. Walang takot na sinunggab sila ni Kuya Jojo at pinaksusuntok hanggang sila ay nagtakbuhan. Ganoon talaga si Kuya Jojo. Ayaw niyang makakakitang iniisahan ang mga maliliit na batang walang laban.

Nalaman din namin sa usap-usapan na noon palang bata pa si Kuya Jojo siya ay payat at laging pinagkakatuwaan ng mga tambay na siga. Ang ginawa niya ay inalagaan ng mabuti ang kanyang katawan at nag-work out siya sa isang gym. Kanya ng nagbinata na si Kuya Jojo may lakas na siyang lumaban sa mga nang-aapi sa kanya.

Neighborhood People: Mang Oka
















Your children will see what you're all about by what you live rather than what you say.— Dr. Wayne Dyer

Malupit na ama si Mang Oka. Para sa kanya, walang tamang alam gawin ang kaisaisa niyang anak na si Jayjay. Lagi niya itong pinapalo at kung minsan ay di pinapakain ng hapunan. Binubogbog din ni Mang Oka ang kanyang asawa na si Aling Charing kanya naman ito ay naglayas. Walang nakakaalam kung saan siya nagpunta.

Kung ano man ang kitain ni Mang Oka sa trabaho niya, kadalasan ay nauubos lamang ito sa pag-inom niya ng alak. Halos gabi-gabi ay lasing siya. Si Jayjay naman ay sa bahay namin pinapakain kasi madalas walang makain sa kanila.

Noong nakaraang buwan bago mag-pasko, bigla na lamang dumating si Aling Charing na may kasamang dalawang malalaking lalaki. Dalidali nilang binihisan at binalot ang mga gamit ni Jayjay. Pagdating ng bahay ni Mang Oka ay wala na siyan nadatnan na tao. Nagiisa na lamang siya ngayon sa kanyang buhay.

We all terribly miss our friend Jayjay pero masaya naman kami sa kanya kasi nasa puder na siya ng isang magulang na mamahalin at aalagaan siyan ng mabuti.

Neighborhood People: Ralfie
















The rate at which a person can mature is directly proportional to the embarrassment he can tolerate .— Doug Engelbart

Malaki ang galit sa buhay ni Ralfie. Anak siya sa labas ng isang mayaman na negosyante na tinakwil siya. Ang ina naman niya ay iniwan siya sa isang amponan noong sanggol pa lamang siya. Kahit anong pagmamahal ang ibigay sa kanya ng kanyang adoptive parents, hindi pa din ito sapat sa hinahangad niyang pagmamahal ng tunay niyang magulang.

Hindi pa tapos ng high school si Ralfie ng mabuntis niya ang isang dalagita na nakatira din sa lugar namin. Hirap ang kanilang kabuhayan dahilan sa walang sense of responsibility silang dalawa sa pagpapalaki ng bata. Mahilig pa din siyang tumambay, mag-disco at makipag-inuman sa mga barkada. Kung minsan ay ilang araw na hindi siya umuuwi ng bahay.

Sa ngayon, bumalik ang asawa niya sa kanyang mga magulang para matulungan buhayin ang dalawa na nilang anak. Si Ralfie naman ay hindi tanggap na manirahan doon hanggat di niya ayusin ng mabuti ang buhay niya. Kailangan na din niyang maghanap na maayos na pagkaka-buhayan.

Neighborhood People: Aling Nena
















I rate enthusiasm even above professional skill. — Edward Appleton

Maagang nabiyuda si Aling Nena. Apat na maliliit na mga bata ang naiwan sa kanya noong yumao ang asawa niya dahilan sa tuberculosis. Takot na mapaalis sa kanilang inuupahan na tahanan, nagsumikap si Aling Nena na mag hanap buhay. Nagsimula siya sa paglalaba at paglinis ng mga bahay. Mahusay si Aling Nena magtrabaho kaya hindi siya nauubusan ng trabaho.

Noong nakaipon siya ng kaunting puhunan, nagbenta naman siya ng barbeque sa tuwing hapon hanggang gabi. Sa gawaing ito ay natutulungan siya ng panganay niyang anak. Masarap ang timpla at pag-ihaw ni Aling Nena kaya wala pang anim na buwan ay lumago ang kanyang negosyo.

Sa ngayon ay nabubuhay at napaaral niyang maayos ang kanyang mga anak dahilan lamang sa barbeque business niya. Dalawa na ang graduate ng kolehiyo, parehong nurse at nasa ibang bansa na. Puwede na din huminto sa panininda si Aling Nena dahilan sa tulong na ipinadadala sa kanya kada buwan ng dalawa niyang anak na nasa Amerika pero mas gusto pa din niya na may nagagawang pinagkakakitaan araw-araw.

Friday, January 27, 2006

Neighborhood People: Amy the Pest

















Listen to a woman when she looks at you, but not when she talks to you. – James Stephen

Sa lugar namin ay may isang babae na hanggang ngayon ay in love na in love pa din sa ex-boyfriend niyang si Randy. May isang taon din silang nagmahalan ngunit noong dumating ang araw na lagi na lamang silang nag-aaway, nagdesisyon si Randy na i-break na niya si Amy. Hindi na niya makayahan ang pakiramdam na para siyang sinasakal ni Amy. Wala na daw siyang panahon na maibigay sa kanyang sarili o pamilya niya — puros na lang kay Amy.

Kahit magdadalawang buwan na ang nakakalipas mula ng silay ay nag-hiwalay, si Amy ay nangungulit pa kay Randy. Hindi pa niya matanggap na wala na sila kahit may bago ng girlfriend si Randy. Hindi rin naiisip ni Amy na nag-mumukha siyang tanga sa mga mata ng tao sa tuwing ipinipilit ang kanyang sarili kay Randy.

The lesson I'm learning from Amy is kahit gano kalaki ang pagmamahal sa isang tao, we still have to respect their private space and give them the time to spend with their other friends and family.

Wednesday, January 25, 2006

Man's Worst Enemy
















Love is an irresistible desire to be irresistibly desired. — Robert Frost

Only recently, I realized that most of my problems were created by me. Kadalasan ang dahilan ay ang sarili kong kayabangan.

Tulad sa panliligaw. Kung minsan kahit hindi naman talagang gusto ang isang babae liligawan din ito kung ang pagsagot niya ay makakadagdag sa image of cool ng lalaki. Ang kakalabasan naman ay parehong hindi maligaya si babae at lalaki.

Napansin ko din na sa tuwing nahaluan ng kayabangan ang performance ng aming grupo sa isang dance contest, dumadami lamang ang aming pagkakamali. Imbis na ma-enjoy namin ang mga dance sequence na pinag-aralan ng husto, nagkakagulo lamang ang choreography namin dahilan sa pagpapasikat ang laman ng mga utak namin. Ngunit sa tuwing enjoy na enjoy naman namin ang pagsayaw at walang halong pagpasiklab, kadalasan ay panalo kami.

Halos ganito din ang nangyayari sa pag-drawing, pag-kanta, at sa kung ano ano-ano pa. Noong nabanggit ko ito sa aking tito, nasabi niya na, “man’s worst enemy is his own ego.”

Sa ngayon ay pinagiisipan ko ng mabuti ang kasabihan na ito dahilan ang hangad ko ay lumabas ang tunay kong personalidad sa lahat ng aking talent na dini-develop na walang kasamang kayabangan. Alam ko na din na ang kayabangan mismo ang maaring magpigil ng aking tagumpay sa mga hangarin ko sa buhay.

Monday, January 16, 2006

The Joy of Crooning















Music produces a kind of pleasure which human nature cannot do without. — Confucius

Another thing I’m good at and enjoy doing a lot is singing. Madami akong mga paboritong kanta — mula sa mga awitin ng mga sikat na boy band tulad ng A1 (One Last Song) hanggang sa mga may kalumaan ng grupo tulad naman ng America (All My Life).

Madami ding OPM na alam kong kantahin. Ang isa sa mga ito ay Ako’y Sayo at Ikaw ay Akin Lamang ng First Circle. Ang kanta ng Eraserheads na With a Smile ay isa din sa mga paborito kong awitin at “The Day You Said Good Night” ng Cushe. Siyempre naman, nahuhusayan din ako sa Rivermaya (Bali Song) at South Border (Rainbow) pero medyo hirap akong kantahin ang music nila dahilan sa my mga kataasan ito.

Kahit mahusay na akong magdala ng tono, kinunbinse pa din ako ng aking tito na hasain ang aking diction. Ito daw ay para lalong maintindihan ng audience ang mga English words ng aking mga kinakanta. Para mahasa ko ito, tinuruan niya akong kantahin ang mga awitin ng Beatles. Noong umpisa, feeling ko ay jolog ang Beatles. Subalit ng natutunan kong kantahin ang The Long and Winding Road at tapos naman ay In My Life, para ba ako biglang naadik sa kanilang mga kantahin.

Noong natutunan ko naman ang Across the Universe mula sa kanilang Let It Be album, napanaginipan ko si John Lennon ng kinagabihan na yon. Sa aking panaginip, sinabihan niya ako na dapat daw ay malaman ko ding kantahin ang Jealous Guy. Kanya naman ng kinaumagahan ay hiniram ko agad kay Kuya Jeff ang CD ni John Lennon na kasama ang kantang yon.

Sa ngayon ay madami na akong alam na mga kanta ng Beatles. Humusay na din ang aking diction sa tuwing kumakanta.

Sunday, January 15, 2006

In The Zone
















Dance is the hidden language of the soul. — Martha Graham

I want to give a holla to all my fellow Tristanians for their advice, tips, recommendations and visits to my blogsite. Salamat din sa mga pagbibigay ninyo sa akin ng lakas ng loob na “to be true to my dreams.” Ganon din sa mga payo ninyong mag-practice ako lagi ng aking pagsusulat para ma-develop ang skills ko sa pag-kwento.

Kung minsan inaabot ako ng halos isang araw bago ako makatapos ng isang entry para mai-post ko dito sa aking blogsite. Susulat ko muna kahit na walang direksyon ang ideya ko. Tapos aayosin ko ng mahusay. Ipakikita ko ngayon ito sa aking pinsan o tito. Sila kasi ang aking mga tutor. Tinutulungan nila akong makita ang tamang direksyon ng aking kwento. Hinuhusgahan din nila ang mga bokabolaryo na ginagamit ko pati na ang spelling ng mga ito. Tapos pauulit na naman nilang ipapasulat ito sa akin hanggang ang dalawang papel na istorya ay nauuwi sa isa na lamang. Ang lagi nilang payo ay “be concise” para hindi daw antukin mga nagbabasa ng kwento ko. Kung minsan kahit naka-post na ang kwento, ipapa-edit pa uli sa akin.

“Re-write mo uli, pinsan para mas maganda,” ang sabi lagi sa akin ni Kuya Jeff. “Ang mga professional nga ay madalas din nila nirere-write ang kanilang mga composition,” sabi naman ng aking tito.

Sa pag-drawing naman, kagalingan ko lang ang aking ginagamit at hindi na nila ito pinakikialaman kasi wala naman daw silang alam sa pag-drawing. Kadalasan, wala pang kalahating oras tapos na ako sa isang drawing tulad ng mga nai-post ko na dito. Ang mga superheroes, manga or anime characters naman ay medyo may katagalan gawin.

Ang pagsasayaw naman ay iba sa lahat. Sa oras na matutuhan ko na ang mga steps, pag sumayaw na ako ng tuloy-tuloy, wala na akong kailangan pang isipin. Feeling ko ay para na lamang akong isang ibon na lumilipad o kaya naman ay isang kuting na patakbo-takbo na akala mo ay may hinahabol kahit wala. Iba ito talaga. Para bang isa lamang akong ispirito na inaalalayan ng hangin.


Mahiirap talaga ikuwento ito. Kaya tuloy ng nag-suggest ang tito ko na mag kwento ako tungkol sa pagsasayaw, matindi akong napagisip.

Papaano mong masasabi ang pakiramdam mo pag ikaw ay nagsasayaw? Papaano mong idi-describe sa mga mangbabasa ang mga steps that you make when dancing? Doon ako hirap dahilan para sa akin, hindi ko ginagamit ang aking pagiisip o imagination sa tuwing ako ay nagsasayaw. Hindi tulad ng pagsusulat o pag-drawing na gamit mo lagi utak mo. Ang pagsasayaw ay iba talaga.

Nagdedepende lamang ako sa vibration ng music, tapos tuloy ng sumusunod at sumisindak ang aking katawan. Kung maari nga lagi na lamang akong pumikit para mas relax pa ako. Kanya lang baka naman ako masyadong ma-carried away at magkandadapa.


Naintindihan naman ng aking tito at nai-pares niya ang aking experience sa mga tinatawag daw ng mga basketball player na “being in the zone.” Tama nga siya. Sa umpisa medyo nininerbiyos ako lalao na sa mga dance contests. Ngunit maya-maya lamang ay "in the zone" na ako lalong-lalo pa kung ang mga nanonood ay nagsisigawan sa kanilang pagkatuwa sa aking pagsayaw.

Itong darating na summer ay madami na namang dance contest sa mga iba-ibang barangay sa buong Metro Manila. Sasali uli ako ng dance group para lumaban dito. Pagdating ng panahon na yon, ikukwento ko ang aking mga bagong karanasan.

Saturday, January 14, 2006

Other Side of the Tracks
















Poverty is the schoolmaster of character. — Antiphanes

As I got older, through my other friends besides those from school, I had a chance to venture into neighborhoods na hindi tulad sa aking kinagisnan. Nasindak ako noong umpisa sa pamumuhay nila. Karamihan naman ay kagalang-galang at mga nagsusumikap. Kanya lang dahil sa kahirapan at wala ng ibang mapagpilian sa buhay, ang mga iba ay napipilitan na tuntunin ang mga gawaing hindi kanais-nais.

Tulad ng isang ama na bihira na ngang mag-trabaho mahilig pang tumaya sa karera. Problema lamang, sa tuwing mananalo, uunahin muna ang pagpainom sa mga kapit bahay. Kung may matira, saka lamang bibigyan ang asawa ng pangbili ng bigas. Kanya lang mas madalas walang natitira lalo na pag nagkasarapan ang inuman.

May mag-asawa din na parehong adik sa shabu. Pinabayaan na halos ang mga anak. Ang mga bata tuloy ang dumidiskarte ng pera para sa kanilang pangkain-kain. Ang isa nagtitinda ng mga basahan pang-kotse, isa naman sampaguita ang nilalako sa kalsada, at ang dalawang maliit ay naglilimos sa mga sasakyan na humihinto sa traffic light.

Sa mga dalagita naman, ang mga iba ay dinadaya ang mga edad para matanggap na waitress o GRO sa mga karaoke at beer houses. Karamihan sa kanila ay naghahangad na may makilalang mayaman na kukupkupin sila. Sa mga binatilyo naman daw, meron mga nagpapaalaga sa mga bakla para may pera sa pag-aaral. May mga iba daw naman pinupuntahan ang mga bakla sa mga beauty parlor para kumita ng madaliang pera para pangbili ng droga o alak. Ang mga binatilyo namang di kagwapohan, pagnanakaw ang pinagkakaabalahan tulad ng snatching, holdap o akyat-bahay. Kung minsan may mga kasama din silang mga babae sa kanilang masasamang diskarte.

Sa lugar na ito, ang kadalasang gawain ng mga kabataan ay mag-shabu o mag-inuman. Sa mga inuman, pag tinamaan na ng alak ang mga utak, sex naman ang hahangarin. Kung minsan ang mga batang babae pa ang mga agresibo. Ang mga binatilyo naman tinatarget ang mga dalagita na hindi pa nagagalaw. Kanya naman daming nabubuntis na mga bata dito — mga katorse o kinse anyos pa lamang. Tingin naman ng mga magulang sa pagpalaglag ay malas daw yon. Kaya ang kinakalabasan dumadami ang mga batang pinalalaki at pinakakain. Lalong pahirap tuloy ang mga buhay nila.

Kundi naman droga, inuman o sex, banatan naman ang ibang ginagawa ng mga kalalakihan. Hindi mo masisisi kung bakit napipilitan sumali sa mga gang ang mga kabataan dito kasi bugbog sarado matatanggap nila kung wala silang matatakbuhan. Madami din sa kanila na ang kinahihiligan sa ngayon ay baril, 38 o 45, na kung minsan ay nabibili sa pier.

Hindi kalayuan ang lugar na ito sa aming tirahan. Pero ang isip ko minsan ay parang ibang mundo ito dahilan sa kanilang mga pamumuhay. Malaki ang pagpapasalamat ko sa Diyos at sa aking mga magulang na kahit papaano, nagsusumikap sila na magandang kinabukasan ang mabigay nila sa aming buong pamilya.

Hinahangaan ko din ang mga magulang na naga-abroad at tinitiis ang kalungkutan at kahirapan para mabigyan nila ng magagandang kabuhayan ang kanilang mga pamilya. God bless you all.